BUGTONG
1
Pinilit ko talagang hindi siya magustuhan noong una.
Pinipintasan ko siya.
Pero ngayon tuwing naririnig ko ang boses niya, lumulutang ako.
Gusto kong angkinin niya ako.Gusto kong maiduyan ng mga titig niya.
Gusto kong mas lalo pa siyang makilala kahit sa malayo.
Kahit di ko siya maabot.
Kahit sa tingin lang.
2
Naghihintay na naman ako.
Umaandar ang oras na walang nangyayari.
Nasaan na kaya siya?
Ano kaya ang ginagawa niya?
Nalimutan na kaya niya ako?
Narito ako.
Naghihintay.
3
Ano kayang makukulay na tagpo ang mga magaganap
sa darating na pagbubuhol ng mga libu-libong sandali?
Mag-iipon ako.
Magsusubi ako.
Magmamaramot ako.
Para mabili ko ang anumang bagay
Na maaaring magdugtong sa amin.
4.
Kanina, narinig kong muli ang tinig niya.
Kumakabog ang dibdib ko.
Umaalon.
Lumilipad.
Pumapalaot.
Isang ‘hello’ lang, halos gumuho lahat ang mga moog
na pinilit kong maging taguan at tanggulan.
Ano ang nangyayari sa akin?
Igagapos kaya niya akong muli
sa mga tanikala ng paghanga at pagsinta?
5.
Aaaaahhh!
Ayoko nito.
Ayoko nito.
Ayoko nito.
Pero sana…
Sana lang.
Basta sana.
6.
Tanga ang sumisinta.
Ulol ang nagmamahal.
Hangal ang umiibig.
Alipin ang humahanga.
Pero nanaisin kong maging
tanga
ulol
hangal
at alipin
kung sa dulo ng aking mga pag-abot
naroon ka at handang magbigay.
Kahit konti.
Kahit konting sulyap.
Lamang.
7.
Wala akong hihilingin sa iyo.
NI hindi ko iisiping sasagi ako sa isip mo.
Ni anino ko, hindi papangaraping bibigyan mo ng pansin.
Pero hayaan mo lang ako.
Dito.
Sa munting sulok ko.
Na tanawin ka at gawing kaulayaw ko.
Sa mga pagpapatintero
ng diwa
ng kaluluwa
at pintig ng puso.
(isang serye ng mga alalahanin habang nakasakay sa LRT
noong hunyo 6, 2008. walang partikular na tao sa isip ko.)
1 Comments:
charing! sino na naman iyan? si Mark ano?
Post a Comment
<< Home