Saturday, January 26, 2008

REQUIEM FOR TOTO





NANG GABING NILUNOD NG DUGO SI TOTO

Humagulgol na parang musmos ang Tatay nang sabihin ko sa kanya ang masamang balita. Wala na po si Toto, sabi ko. May pagkagulat munang gumuhit sa kanyang mukha. Ano’ng ibig mong sabihing wala na si Toto? Naglayas ba? Umiling ako. Patay na po si Toto. Kitang-kita ko yung pagkagimbal. Dumilat ang mata niya. Kumunot ang noo. Yun lang at umiling-iling siya. Pagkatapos, narinig ko ang isang malalim na ungol. Parang sirena ng pulis. Mapait. Malungkot. At humagulgol siya. Humagulgol nang humagulgol.

Pinagmamasdan ko lang siya. Marahil, manhid pa ako sa balita, kaya nandoon pa iyong lakas ko para pigilan ang panginginig ng katawan niya. Bibigay kaya ito, tanong ko sa sarili. Umiiyak siya. Sumasabog ang uhog. Tumutulo ang luha. Iling siya nang iling. Pambirira ka naman, sabi niya, pakiusap ko naman sa iyo pagbigyan mo na ako. Akala ko’y ako ang kinakausap niya. Gabi-gabi akong tumatawag sa iyo, sumbat niya, bakit naman hindi mo ako pinakinggan? Ang Diyos pala yun. Tapos, narinig ko, Putang-ina kasing Biboy yan, hindi man lang pinakinggan ang kapatid eh. Si Biboy naman ang sinisisi.

Pinagmamasdan ko lang siya. Nakaupo sa tumba-tumba niya. Umuuga ang payat na katawan sa kaiiyak. Paminsan-minsan ay sumisinga. At dama ko ang sakit na humihiwa sa kanya. Ang lalim ng lungkot na hinuhugot niya sa bawat pagbugso ng mga luha. Damang-dama ko ang pighati. Damang-dama ko ang kawalan. Damang-dama ko ang pagka-ama niya.

At naroon ako. Nakatitig lang sa kanya. Wala akong maramdaman. O dahil nakikiramdam ako. Katatalastas ko lang ng isang pangit na balita. Ayokong masundan ito ng isa pa. Samantala, iniisip ko, paano ko namang ipaaalam sa Nanay ang kanyang kawalan? Paano niya tatanggapin? Magdodoble-doble ba ang mga masamang pangyayari sa loob lang ng isang gabi?

Kua, patay na si totn. Eksaktong mensahe ni Marilou sa celfon ko kani-kanina lang. Samantalang panay naman ang ring nito dahil sa pagtawag ni Biboy. Nakailang ulit iyon bago ko nasagot. Alas-otso ng gabi.

Nasaksak daw si Toto. Hindi na umabot sa ospital. Pinakikinggan ko nang taimtim ang ibinabalita sa akin. Wala akong reaksiyon. Nililinaw ko ang kuwento. Nasanay na ang utak ko sa mga ganitong emergency. Ang bumubulwak sa isip ko ay ang mga gawaing sunud-sunod na pag-uukulan ng pansin. Ang burol. Ang babayaran sa ospital. Ang mga kakailanganin sa mga darating na araw. Ang pagbabalita nito sa mga kamag-anak.

Pero ngayon nga, nakatunghay lang ako sa Tatay habang humuhulagpos sa dibdib niya ang tindi ng tama ng balita. Ama iyon. Nawalan ng anak. At sa paraan pang kahit na madugo ay hindi naman malayo sa inaasahan namin.

Makaraan ang ilang oras, nagawa ko na ang mga dapat gawin. Naihabilin ko na ang pagsasaayos ng punerarya. Nakatawag na ako sa mga kapatid kong nasa ibang bansa. Ganun din sa mga kamag-anak. Nakahingi na rin ako ng payo kay Kuya Ed. At napagkasunduan naming mag-ama na kinabukasan na ipaalam sa Nanay ang pagkamatay ng bunso niyang lalaki.

May nakagalit daw si Toto ilang araw na ang nakalipas. Nakita daw kasi ng nakagalit na sinipa ni Toto ang ihawan sa isang tindahan sa kanto. At nagkaharap sila sa barangay – si Toto ang isinusumbong, at ang nakagalit ang testigo. Dinuro ni Toto ang nakaaway at binalikan pa nito pagkatapos na makipag-inuman. Inabangan niya sa pinagtatrabahuhan at hinabol ng taga. Nasalag ng kaaway niya ang mga taga hanggang tumilapon naman ang dala ni Totong “itak”. Na siyang dahilan para pagbalingan naman siya nito. Naghabulan. Nadapa si Toto sa may parteng pag-akyat ng tulay. At doon na siya inabutan. Labing-isang saksak. Hindi na humihinga nang makarating sa ospital.

Sa dahas din daw namamatay ang mga taong nabubuhay sa dahas. At sa pag-iisa ko, sinusuri kong mabuti ang napakaraming gusot na sinuong ni Toto. Ilang beses na itong naglabas-pasok sa kulungan. Maraming beses na paulit-ulit niya akong inisahan sa napakaraming bagay. At uubos ako ng napakaraming papel kung iisa-isahin ko ang mga iyon.

Noong bata pa si Toto, siya ang pinakapaborito kong kapatid. Siya yung isinasama ko sa panonood ng sine tuwing susuweldo ako nung nagtatrabaho pa ako sa Makati. At sa tuwing sasapit ang Abril 13, umuuwi ako sa Las Piñas para ipagdiwang ang bertdey niya. May dala akong tinapay, pansit, at minsan may lobo pa nga. Sampung taon pa lang siya nang magsimula akong magpabalik-balik sa ibang bansa. At dahil sa pagkita ng pera at sa pagtustos ng pangangailangan ng pamilya ang naging tuon ng pansin ko, hindi ko na nasubaybayan ang paglaki niya.

Nang nagbibinatilyo na siya, doon nagsimula ang mga sunud-sunod na kalbaryo namin. Sa umpisa, mga maliliit na bagay lang ang kinukuha niya sa bahay, at pagkatapos ay sa ibang bahay na, at pagkatapos ay sa ibang bayan na – sabay sa pagkalulong niya sa droga at sa alak.

Kung iisipin ko man, saan ba natututunan ng mga anak ang mga ganitong klase ng pagpili sa buhay? Sa isip-isip ko, siguro hinahanap niya sa labas ng bahay ang mga bagay na hindi niya nakikita sa loob ng bahay. At siguro rin, hindi rin naman napagtuunan ng tamang pansin ang pagpapalaki sa kanya – kagaya rin nang kung paanong hindi naman napagtuunan ng pansin ang pagpapalaki sa kahit na sino sa aming siyam na magkakapatid.

Alam ko kung saan hahantong ang paghahanap ng sagot. Kung nasaan ang puno’t dulo. Kung nasaan ang ugat. Kaya lang, ano ang maaasahan naming pagtangkilik mula sa mga taong hindi rin nakatanggap ng pagtangkilik sa mga dapat na tumangkilik sa kanila? Kung ano lang daw ang meron ay siya lamang maiaabot at maibibigay. Paano kaming aasa mula sa mga kamay ng mga taong hindi rin naman naabutan? Sadya talagang hindi nakapamimili ang tao ng ugat na panggagalingan niya. Sa kaso ko, pinili kong maputol sa ugat na iyon para magsanga ng ibang buhay. Kanya-kanya lang namang pamimili iyan. Sa simula pa lang, alam ko na siguro ang mga gusto at ayaw kong maging sa buhay. Kaya marahil, nauna akong kumawala. Pero istorya ko iyon, hindi ni Toto.

At ngayon nga, wala na siya. Tinuldukan na ang buhay niya. Iisang pangungusap lang ang naiisip kong sabihin. Nalasing, napaaway, napatay. Ganun lang. Sa pag-ikot niya sa loob ng 36 na taon sa mundo, sa ganoong paraan lang nalagyan ng tuldok ang buhay niya. Parang kandilang hinipan. Ganun lang. Naalala ko tuloy ang nangyari sa akin sa tulay ng Sta. Cruz. Halos ganoon din. May humahabol ng saksak sa akin. Nadapa rin ako. Inundayan ng maraming saksak. Pero sa isip ko, nilabanan ko ang ganoong klase ng pagwawakas. Nangyari sa kanya ang naiwasan ko.

Kagabi, nang umuwi ako para sa unang araw ng burol niya, nadaanan ko ang tulay na pinagyarihan ng insidente. Ang daming dugo. Hindi ko alam ang mararamdaman ko. Dugo iyon ng kapatid ko. Dugo ng pamilya namin. Nakasambulat sa poste, sa daan, sa tulay. Bakas pa ang kamay niya.

Pagdating ko sa bahay, nakita ko ang napakaraming taong nakiramay at nakipag-kamay. Bawa’t isa sa kanila ay may kanya-kanyang kuwento tungkol kay Toto. Mabait naman iyan. At kahit na lasing, wala namang sinasaktang tao. Mahilig sa mga bata iyan. Kaya tingnan mo, hindi nauubusan ng mga batang tumitingin sa bangkay. Mapagbiro iyan. Kaya nga siguro Joker ang naging palayaw sa kanya dito. At marami siyang kaibigan ha? Marami siyang barkada. Maraming kuwento. Noong gabi raw na nasaksak siya, marami daw pinagpaalaman. Maraming mga batang kinarga. Iyon na daw ang huling pagbati niya, dahil aalis na daw siya. Pupunta na daw sa malayo. Maging si Biboy na nakasamaan niya ng loob ng mahigit isang buwan dahil sa paglalasing niya ay pinuntahan din. Hindi siya nagsalita. Nagpakita lang. Hindi naglipat-oras, wala na siya.

Sumuko na daw ang nakapatay sa kanya. Isang paroladong naka-biktima na ng tatlo pa bago niya winakasan ang paghinga ni Toto. May mga nagbubulong sa Tatay na huwag magpa-areglo. Tuluyan na daw yung tao. May mga nagsasabi namang sige na, tutal nandiyan na iyan, makipag-ayos na lang. Na para bang ang halaga ng buhay ay normal nang tinatawaran. Hindi ako kumibo nang hingan ako ng opinyon. Pagod pa ako, sabi ko.

Lumapit ako sa kabaong niyang puti. Ang laki nito. Sukat sa tangkad niya. Higit sa karaniwan ang singil. Nakasulat sa kulay ubeng laso ang pangalan ng bawat naulila. Mula sa Tatay hanggang sa kaapu-apuhan. Dati-rati, hindi ko nabibigyan ng kahulugan ang mga pangalang nababasa ko sa napakarami nang kabaong na nalapitan ko. Iba ngayon. Kabaong ng kapatid ko. Pangalan ng pamilya namin.

Hindi ako komportableng tumingin sa bangkay. At parating naroon ang kakaibang pakiramdam ko – iyong paghihiwalay sa kanila sa mga humihinga at pag-iisantabi sa kanila bilang hindi na “taga-rito”. Pero wala akong naramdaman na ganoon kay Toto. Ngayon, naiintindihan ko na kung bakit hindi “nandidiri” o “natatakot” ang mga kamag-anak sa kanilang namayapa. At kung bakit hindi sila nangingiming yumakap sa ataul.

Ang tagal ko siyang pinagmamasdan. Ang kapatid ko. Panatag ang mukha niya. Sabi ko nga, higit siyang kanais-nais tingnan sa kanyang P250 na barong tagalog. Makinis ang mukha. Pero, ayun hindi na siya makakapagsalita. Marumi ang kuko niya na alam kong ginamit niyang pangsapo sa dugong sumisirit mula sa katawan niya. Pero ang konsuwelo ko lang siguro, kung talagang lasing siya at wala na sa sarili, hindi na siguro siya nakaramdam ng sakit. Naging manhid naman siguro siya sa bawat ulos na dumapo sa katawan niya.

Ikukuwento ko sana yung huling pag-uusap namin. Hindi naging maganda iyon. Nagalit ako sa kanya dahil ayaw niya akong kausapin. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na pakiwari ko, binastos niya ako o hiniya. Ganoon naman kaming dalawa. Galit-bati. Galit-bati. Ako iyong sa bandang huli ay hindi nakakatiis. Minsan, napag-initan yan sa Bataan at pinaghahanap na ng mga NPA para dispatsahin. Ako ang nagsabi sa Tatay na pabalikin na lang dito sa Las Piñas para hindi mapahamak. Hindi ko matiis eh. Kapatid ko. Kahit na ako ang paulit-ulit na tumatanggap ng napakaraming “parusa” na galing sa kanya.

Nang tinawagan ko ang mga kapatid namin para ipaalam ang balita, lahat sila ay bumunghalit ng iyak. Iyong iyak nang pagkalagim. Iisa lahat ang reaksiyon. Kinakapa ko ang sarili ko. Ano ang problema sa akin? Bakit hindi ako makaiyak? Bakit hindi ko sila kaisa? Bakit parang estranghero ako? Sa burol, mas nadama ko iyong pagiging isa nila. Ako iyong tagapangasiwa at tagaayos at taga-asikaso at tagadukot sa bulsa. Pero sila iyong mga mugto ang mata sa kaiiyak. Sila iyong mga nakakunot ang noo sa sobrang lungkot. Sila iyong maraming kuwento tungkol sa mga masasayang pinagdaanan nila ni Toto.

Alam kaya nilang gusto ko ring magluksa? Alam kaya nilang sinusurot din ako sa kalooban ko dahil sa kawalang ito? Tinitingnan ko siya. Hindi ko na maririnig ang “Kuya” na tanging sa bibig niya lang manggagaling. Hindi ko na maririnig ang mga pagsusumamo niya kapag humihingi ng tawad. Hindi ko na maririnig ang kakulitan niya kapag nangangatwiran nang pabali-baliktad kapag lasing siya. Sa akin kasi, nalagyan ko ng malaking harang iyong relasyon namin. Ako iyong matatag. Ako iyong may awtoridad. Sa kalambingan ko sa ibang tao, ni hindi ko siya nakuhang yakapin. Ni hindi kami nakapagbiruan nang husto. Ni hindi kami nakapagsalo man lang sa kahit na panandaliang tunggaan ng beer.

Paano ba siya maging kaibigan? Bakit maraming taong wiling-wili sa kanya? Bakit hindi niya ako pinakitaan ng pagiging mabuti? O nagpapakita ba siya ng ganoon pero bulag ako dahil ang nakikita ko lang ay iyong hindi mabuti? Nagvi-videoke ba siya? Bakit hindi ko narinig kahit minsan na kumanta siya habang naroroon ako? Minsan, nanonood siya ng mga video ni Bon Jovi. May isang kanta doon – Joey ang pamagat – paulit-ulit niyang pinatutugtog habang dumadaan ako. Pero sa pagka-pakipot ng loob ko, ni hindi ko pinansin iyon kahit na pansing-pansin ko na. Sumasayaw ba siya kapag siya’y lasing? O kahit sa pagke-kengkoy niya? Sa kagaslawan kong ito sa pakikitungo sa ibang tao’y ni hindi ko nakuhang makipag-gaslawan sa kanya.

At naiisip ko ngayon habang ginagawa ko ito, na napakaraming pagkakataong maaari kaming naging magkaibigan din. Kung nilagtawan ko lang ang mga kapintasan niya. Kung hindi ko pinangatawanan ang pagiging kuya sa kanya. Kung sinasalo ko siya sa tuwing bumabagsak siya. Ayokong magsisi. Gusto kong pangatwiranan na sa abot ng makakaya kong pagtingin bilang kapatid, ginawa ko ang alam kong dapat na hindi kukulang o lalagpas sa kahinaan o kalakasan ko bilang tao. Hindi ako diyos.

At nararamdaman ko rin ngayon, ang panlulumo. Dahil hindi na siya babalik. Ipapako na sa isang araw ang kahong naglalaman sa kanya. Isisilid na siya at ibabaon sa lupa at ibibilang sa mga nawala na. Sa mga namayapa na.

At nagtataka rin akong hindi ako makaiyak kahit na nagdadalamhati ako. Walang lumalabas na luha sa akin. Puro tandang-pananong. Puro pangangatwiran. Wala akong kasalanan sa mga bagay na pinili niyang gawin sa buhay niya. Wala akong maiaambag o maibabawas pa para mabago ang pinili niyang kapalaran. Kahit ang Diyos, hindi ginagawa ang ganoon.

At naghahanap ako ng dahilan para patuloy siyang mabuhay sa alaala ko. Pero bilang na bilang lang ang mga alaalang iyon. Higit na puno ng sigalot ang buhay niya kaysa katahimikan. Higit na puno ng alalahanin ang buhay niya dahil hindi niya natagpuan ang kapayapaan noong humihinga pa siya. Tinanggap kaya niya ang Panginoon noong 1991 nang magpa-bautismo siya sa Liliw? Naging buhay ba sa kanya ang Bibliya? Sa isang banda, mabuti pa nga siya at malalaman na ang mga sagot. Mabuti pa nga siya at nasa tahimik na. Samantalang ako – patuloy pa ring magpapasan. Patuloy pa ring mangangasiwa. Patuloy pa ring maghahanap ng ginhawa sa piling ng mga buhay.

Kahapon, sa libing – ang daming tao! Higit pa siguro sa dami ng mga nakipaglamay sa loob ng apat na gabi. Ano ang nagawa ni Toto sa kanila’t ganoon na lamang ang pagmamalasakit nila dito? Nanliliit ako. Dahil parang naging maliit ang tingin ko sa kapatid ko. Sabi ng isang pinsan ko, malambing daw si Toto sa kanya. Parati siyang hinahalikan sa ulo. Parati siyang yinayakap. Gusto kong sabihin sa kanya, mabuti ka pa, nakaranas nang ganyan kay Toto. Pero ngayon lang sumasagi sa isip ko, iyong mga gabing bumibisita siya dito sa bahay at ipinagtitimpla niya ako ng kape. At parati kong iniismiran sabay sabing, may kailangan ka na naman ano? Dahil tuwing maiisip ko siya, ang sumasagi sa akin ay ang mga mapapait na bagay na nagpalayo ng loob ko sa kanya. Mga bagay na hindi ko nasarili at naipagmagaling ko pa sa iba. Para marahil papaglayuin ang agwat namin at ipagdiinang higit akong kawawa kaysa sa kanya dahil ako ang naaabuso at siya ang nang-aabuso?

Pero sa mga bagay na napagmasdan ko, mali ako ng naging akala sa pang-uuri sa kanya. Maaaring sa loob ng 36 taon, mas malaki ang porsiyento ng buhay niya na marami siyang nagawang hindi marangal. Pero hindi nangangahulugang sayang ang buhay niya. Gusto kong pasubalian yan. Kung iikot siya sa loob ng buhay ko, ni hindi siya mapapansin dahil nakatuon ako sa lalong pagpapakinang ng sarili ko. Pero mayroon siyang sariling buhay. Mayroon siyang sariling mundo. Kahit pa ang nga ang mundong iyon ay mundo ng katulad niyang lasenggo, durugista, prisonero, butangero, walang trabaho, iresponsable, matigas ang ulo. Doon sa mundong iyon – siya ang bida. Siya ang sinasaluduhan ng mga taong sanay na sa klase niya. Siya iyong hinahangaan. Siya ang ipinagbubunyi. Siya ang pinoprotektahan. Siya ang itinataas sa husay ng pakikisama niya. Hindi sayang ang buhay ng kapatid ko. Hindi sayang. Dahil sa loob ng iksi ng panahong iyon, may mga tao siyang hinipo, may mga tao siyang minahal, may mga taong nagmahal sa kanya at tinanggap siya ng walang palamuti at walang mga kondisyon. Doon sa mundong iyon, doon ako hindi kasali.

Hindi siya nagkaroon ng sariling pamilya. Hindi siya nagkaroon ng sariling bahay. Nagpapalipat-lipat lang siya sa mga kapatid naming nakakaunawa sa kanya. Nang higit sa akin. Kina Marilou, Biboy, Alding, Junior, Jingjing. At maging kay Elma. Ako kasi ang Kuya eh. Ako iyong istrikto. Siguro kaya niya ako palaging pinagnanakawan, para mapansin ko siya. Pero ngayon, kahit na ibigay ko ang lahat ng mga alahas ko sa kanya, basta huminga lang siya ulit at magkaroon lang ng kahit isang pagkakataon na makakapamasyal kaming dalawa, manood ng sine, kumain sa labas, manood ng live band habang tumutungga ng beer, ipag-shopping siya kahit konti – hindi na mangyayari. Pero ayoko namang mabuhay na nakatingin sa mga sayang at sa mga hindi na mangyayari.

Inilibing na siya ng anim na talampakan sa ilalim ng lupa. At pinili ko siyang bigyan ng marangyang bahay – kung rangya mang maituturing iyon – bilang tirahan niya habang hindi pa siya naaagnas. Sa tirahang mayroong maliit na hardin sa ibabaw at may bermuda grass pa. Sa tirahang kasya lang marahil ang lahat ng alaala ng buhay na tinuldukan pagsapit ng tatlumpu’t-anim. Sa tirahang magtatapos na sa kasaysayan ni Toto at magsisimula ng mga bagong kasaysayan naming magkakapatid na humihinga at buhay.

Joey. 16 Disyembre 2007

0 Comments:

Post a Comment

<< Home