ISA NA NAMANG DECEMBER 16
Kung pinagbibigyan ng Diyos ang lahat ng kapritso ng tao, dapat sana’y matagal na akong tumimbuwang, kinain ng lupa at pinagpiyestahang paulit-ulit ng mga uod at bulate. Bente singko anyos lang ako nun nang hilingin ko sa kanyang kunin na nya ako. Pagod na kako ako. Sawa na ako sa buhay. Ayoko na ng mga responsibilidad. At wasak pa ang puso ko.
Kaya nga, tuwing magbe-bertdey ako, kagaya ngayon, palaging bumabalik ang isip ko dun sa hapon na yun – isang hapong kulay orange ang background ng langit at kulay asul ang foreground ng dagat – habang papalubog ang araw at sinisipa-sipa ko ang buhangin sa beach ng Muscat Intercon.
52 na ako ngayon.
At buhay pa rin.
Sa pagitan ng pagiging bente singko at singkuwenta’y dos, marami pang volumes ng kwento ang nagkahugis at syempre, nagkaroon ng iba’t-ibang settings at cast of characters. Halimbawa, nang mahimasmasan ako sa kabaliwang gusto ko nang mamatay, saka naman ako bumuo, umukit at nagluwal ng mga pangarap sabay tingala sa langit. Gusto kong makarating sa ganito at ganyang lugar, gusto kong magkaroon ng ganito at ganyang bagay, gusto kong makalasap ng ganito at ganyang karanasan. At gusto ko, lahat ng mga pangarap na yun, makamit ko na bago pa man ako tumuntong ng kuwarenta.
Anong bait ng kapalaran at langit!
Nairaos lahat ang nasa wish list!
Pero dahil buhay pa rin, patuloy pa rin ang sabayang pagsagwan at pagpapatianod sa ilog ng buhay. Minsan may nagtanong sa akin. Kung babalikan ko daw ba ang kabataan ko, ano yung bagay na gagawin ko na hindi ko nagawa? Ang bilis gumulong ng time machine sa isip ko. Kaya lang wala akong maisip na bagay na hindi ko nagawa nung bata pa ako. Isa yun sa malalaking bagay na ipinagpapasalamat ko. Habang sumisikad kasi ang araw, sumusukob tayo sa panahong angkop sa edad. At nung kabataan ko, wala akong pinalampas na pagkakataong maaaring malaktawan ko ang mga rumaragasang biyaya ng kabataan. Hirap. Sarap. Bisyo. Ambisyon. Pag-ibig. Sex. Lalo na sa sex!!!
Hirap? Check. Sus, ayoko nang isa-isahin. Futile exercise. Pero yung nakaranas ka na ng katakot-takot na hirap, sapat na yun para maging matibay ka. Sapat na yun para tuldukan ang kahirapan. Sapat na yun para naising makatikim naman ng sarap.
Bisyo? Check. Kung gagawa raw ng maraming mali sa buhay, mas mabuting gawin yun habang maaga pa. Kasi may panahon pang natitira para itama yun. Yung pagbibisyo ko, mas nangyari yun bilang bahagi ng pag-aaral. Walang dahilang rasyunal. Basta gusto ko lang. At nang naranasan ko nang malasing sa alak, mabangag sa drugs, manghina ang baga sa sigarilyo, matalo sa sugal at sa sari-sari pang bisyong nakakahiya na lang ipangalandakan pa, umayaw na rin ako. Basta ayoko na lang.
Ambisyon? Check. Yun kasi ang compass. Parang ganito lang: kung pupunta ka sa Divisoria, ang sasakyan mong jeep ay yung may karatulang Divisoria. Otherwise, hindi ka makakarating dun. Sa dinami-dami ng mga bagay na sabay-sabay umaasalto sa utak, puso at laman ng kabataan, mahirap pumalaot na walang direksyon. Ewan ko kung paanong sa kabila ng maraming sitsit at kantyaw para maging mapagpabaya, meron pa ring nanaig na disiplinang nakasilip sa mga araw na darating pa. Kahit naging pakawala ako sa pagpapasasa sa mga bago at kakaibang karanasan, laging nakabaon sa isip ko na lilipas din ang panahong bata ka.
Pag-ibig? Check.
Sex? Ehem.
Milestone sa akin nung nag-kuwarenta ako. Pakiramdam ko, doon ko pa lang hinubad yung pagkabata. At kung totoong nagsisimulang “mabuhay” ang isang tao pagtuntong ng kuwarenta, aba, dose anyos na ako ngayon. Na marami na rin namang nahigop na sabaw ng karunungan mula sa iba't-ibang kaldero ng buhay.
Tulad ng sinasabi sa Desiderata: “Take kindly the counsel of years, gracefully surrendering the things of youth.” Yan ang gusto kong mangyari pagtanda ko. Maging graceful. Maiwan ang kakirihan, kakitiran, kakulitan ng kabataan. Hindi naman sa aspetong pisikal yun ha? Pero sa pananaw. Kasi pwede pa rin naman sigurong tumawa nang malakas. Hindi ko yata kayang hindi tumawa na parang hyena. Kasi yun na ako.
Ayoko nang gawing big deal, lalo na ng iba, ang pag-iisa ko. Isang estudyante ng La Salle ang nag-interview sa akin tungkol sa single-blessedness. Malungkot daw ba ang maging single? E, lahat ba ng married masaya? Mukhang defensive ano? Pero ang totoo, hindi ko naranasang naging malungkot dahil single ako. Nalulungkot ka sa ibang bagay sa buhay, pero hindi dahil sa pag-iisa. Sa katunayan, maraming yugto ang buhay ko na ang pinakamasasayang bahagi, kapag naaalala ko, ay yung nag-iisa ako. Kasi sa pag-iisa ang pinakikisamahan mo lang ang sarili mo. May mga pagkakataong gusto mo na may kasama ka, pero hindi para kumapit sa kanya na para kang pilay, kundi gusto mo lang na may kasama sa isang partikular na okasyon. Hindi ako nakaramdam ng inadequacy o kakulangan; ang totoo, nakakaramdam ka lang ng kakulangan kung sa iba mo iaasa ang sarili mong kaligayahan.
Tanggap ko na ring gradweyt na ako sa drama ng puso. With honors pa! Sapat nang sa napakarami at paulit-ulit na pagkakataon naranasan kong magmahal at mahalin nang sapat sa sukat, kahit medyo labis pero hindi kulang. Kaya matagal nang winakasan ang paghahanap. Kapag tinatanggap mo ang isang bagay nang maluwag sa dibdib, mas nagiging payapa ka. Ayaw mo nang balikan yung panahong hindi-ka-makakain-hindi-ka-makatulog-lagi-kang-bagabag-dahil-pinaghahalo-ang-tamis- at-pait-ng-paglalapat-ng-puso. Kasi nga, may edad ka na. At hindi na bagay sa may edad na nagmumukhang tanga pa sa mga usaping pampuso.
Walong taon pa bago ako makakuha ng 20% diskwento sa maraming bagay. Mahaba-habang panahon pa rin yun. Marami pa akong magagawa. Kung loloobin ng Dios, mag-aaral pa ako sa darating na pasukan. Manonood ng sine minsan sa isang linggo. Susubaybay sa Billboard at sa PEP at sa Inquirer at sa People at sa Click the City. Magbabasa ng libro. Gagawa ng libro. Susulat ng libro. Mag-iimpok para sa higit pang pagtanda. Dadalisayin ang sarili bilang paghahanda sa pagtanda. Lilinisin ang kalooban para hindi kayamutan at iwasan sa pagtanda. Magpapalampas at magpapatawad. Magkukuwenta ng gastos at gagastusin. Magte-tennis. Magpapamasahe. Kakain ng masasarap. Magliliwaliw. Makikipagngitian pa rin. Makikipagpalitan ng cellphone number. Magmamahal sa magulang at mga kapatid at mga pamangkin at mga apo. Maghahanap ng mga bagong kaibigan habang idinadambana ang mga lumang kaibigan na siyang nagpapayaman, nagpapalalim, nagpapatotoo ng pagiging tao ko. Hindi na ipagpapaliban ang pagtikim ng mga lalasapin pang sarap, bawal man o hindi, dahil paubos na nang paubos ang mga dahong nakakapit sa tangkay ng oras.
Makikipagsaya pa rin sa mundo habang humahanap ng panahong makikipagniig sa sarili na kawangis ng Dios at samakatuwid ay kauri ng Dios na kahit pira-pirasong nakakalat sa lahat ng mga nilikhang lalang ng kanyang kamay at kapangyahiran, ay nananatiling buo.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home