LILANG LIBING
Hindi ko namamalayan noong una, pero may isang papalapit na bagyo. Ang dahilan kung bakit hindi ko ito namamalayan ay dahil nakatuon ang aking pansin sa pagmamaneho – nakabaon sa magkakapatong na lata, kutson, musika at mga alalahanin. Ngunit hindi lamang mga pangkaraniwang alalahanin kundi pagkabalisa. Hindi ko na maalala kung ano ang ikinababalisa ko, pero may kinalaman ito sa pagiging tao, takot, at pangkaraniwan.
Mula sa bagyong nagngangalit sa ibabaw, isa lamang akong butil ng dugo na rumaragasa sa pagitan ng mga sala-salabat na sasakyang humahagibis sa kahabaan ng North Expressway. Mula sa ibabaw ng kalsada, mistula akong kalahating-tao at kalahating-makina na isinasalin ang buong damdamin sa salimbayan ng bilis, hagibis, ingay, busina at mga daliri. Mula sa loob ng sisidlang lata na nilulunod ng musika, isa lamang akong kasaysayang nakalutang sa tubig. Ang pagkabalisa ko ay bunga ng aking pagmamaneho.
Samantala, ilang libong talampakan sa aking ulunan – karahasan! Pinipilipit ng nag-aalimpuyong malamig na hangin ang papataas na init ng alimuom na nanganganak ng makakapal na ulap, taglay ang saplad ng tubig na idinidilig nito sa asul na kalangitan. Puti ang mga ulap sa gawing itaas ngunit ang ilalim nito’y tila maitim na abo. Maging ang papawirin ay hati rin. Mula sa isang bintana, maliwanag at payapa ang himpapawid, samantalang madilim naman at nagbabadya ng panganib ang mga ulap na natatanaw sa kabilang bintana. Ngunit kaakit-akit ang mga ulap na nasa harapan kung saan nagtatagpo at nagbababag ang liwanag at anino at sa isang iglap ay sabay-sabay na nalaladlad ang paligsahan ng karimlam at kaliwanagan, ng balawis at ng matimtiman.
Hindi ko ito namamalayan noong una, bunga ng maraming bagay na gumagambala sa akin o dili kaya’y bunga ng lubhang pagkakapako ng pansin sa manibela. Nakakapagpababang-loob ang pagmamaneho. Iginuguho nito ang isang mayabang na bahagi ng pagkatao kung kaya’t kumakaskas ako, sumusuot, sumisibad, sumisingit upang ipaggiitan ko ang aking sarili. Sa araw na ito, ang trapiko’y pinagkasya lamang sa kaliwang bahagi ng daan paglabas ko sa San Fernando. Ang kanang bahagi ay walang laman, samantalang umaapaw ang kaliwa. Inakala kong maaaring inilaan ito para sa isang ambulansiya. Nang tiningnan ko lamang ang salamin sa tagiliran ng sasakyan, saka ko namalayan ang namumuong bagyo. Wala ang ambulansiya. Samantala, ang mga linya ng sasakyan ay humahaba at bumabagal sa harapan ko at ang kalangitan naman ay pinaghahalong kulay ginto at abo.
May prusisyon ng libing. Binabagtas ko ang haba ng mga sasakyan na bahagi ng isang paglilibing. Sa di-maipaliwanag na kadahilanan, binagalan ko ang takbo at ibinaba ang aking bintana. Marahil, upang damhin ang pangakong ulan ng paparating na bagyo. Marahil, upang mapagmasdan nang malapitan ang prusisyon. Marahil, dahil bigla akong nakakita ng isang bagay na labas sa aking sarili, isang bagay sa labas ng aking sisidlang-lata na kawangis ko rin – tao, takot, at pangkaraniwan – at nais kong alisin ang harang sa aming pagitan. Sinikap kong makita ang mga pasahero at ang mga tsuper. Naghahanap ako ng munting bahid man lamang ng damdamin sa kanilang mga mukha. May magtatangka kayang humalakhak? Mag-iiyakan ba sila? O maiinip kaya? Ano ang mayroon sa buhay upang maging masakit ang kamatayan?
May sakay na kahit isang tao lamang ang loob ng bawat sasakyan. Nakatanaw sila sa malayo at tila metal ang kanilang mga mukhang hindi man lamang kababakasan ng kahit na anong damdamin. Nilampasan ko ang mga taong maaaring minahal o kinasuklaman ang namatay. Nilampasan ko ang mga taong maaaring kilala ang o walang kinalaman sa sumakabilang-buhay. Magkakamukha sila. Isinasaloob lamang ang nadarama. Wala isa man lang akong kinakitaan ng sakit o sama ng loob o pagkadurog ng puso. Walang sinumang humahagulgol at nagpumilit lampasan ang ibang sasakyan upang sumunod sa sasakyang nagdadala ng labi, upang higit na mapalapit sa taong minahal niya at nagmahal sa kanya. Kahit sa huling sandali man lamang.
Sa kalauna’y natanaw ko ang karo ng patay. Kakaiba ito. Isang trak na mapanglaw ang tikas sa unahan, ngunit bukas ang likuran at walang bubong ang kabaong. Kakaiba ito. Umaapaw ang mga bulaklak mula rito. Sari-saring mga bulaklak. Sari-saring kulay. Sari-saring samyo. Umaapaw ang mga bulaklak kaya’t mistulang nalulunod ang kabaong sa gitna nito. Umaapaw ang karo kung kaya’t sa bawat galaw nito, hinahabol ng hangin ang mga bulaklak at pumaiilanlang ang mga ito, lumilipad na tila mga mumunting dagitab at tilamsik ng apoy na kumukutitap. Nang magsisimula na akong lampasan ang karo, napatigil ako sa isang sangandaan nang umilaw ang pula sa isang posteng pang-trapiko. Nagpatuloy naman ang karo at naiwan ako. Umusad ang bangkay at ang mga sumusunod dito samantalang ang lahat ay nakamasid at naghihintay.
Walang bumusina. Walang nagmura. Walang nagalit. Walang tumukod sa manibela upang siyasatin kung gaano pa kahaba ang prusisyon. Sa mga mukhang nagpapahiwatig ng pagluluksa, pinanood nila ang malungkot at makulay na parada lulan ang tila hari o reyna nito na naghahagis ng mga bulaklak sa kanilang paanan. At sa ilang sandali, naroon ako at nakaupo ako sa loob ng sasakyan sa harap ng isang pulang ilaw habang pinagmamasdan ko ang pag-ihip ng bagyo at ang paglutang ng mga bulaklak sa hangin, samantalang ang iba pang manlalakbay na katulad ko’y buong tiyagang naghihintay habang ang isang kahon na naglalaman ng alabok at kasaysayan at kamatayan ay marahang dumaraan sa harapan nila. Nakababa ang bintana ng sasakyan ko, patay ang radyo, at ang buhok ko’y tumataas-bumababa sa hangin.
Bigla, naramdaman kong muli ang maging tao, bawas na ang takot, ngunit higit na naging pangkaraniwan. Bumara sa dibdib ko ang anumang kinikimkim kong pagkabalisa habang pinag-iisipan ko ang katawan, buhay at kaluluwa ng namatay at ang daan-daan at libu-libong bagay na nag-uugnay dito at sa mga taong lulan ng kani-kanilang sasakyan at buong tiyaga at pagmamahal na naghihintay ng pagsapit niya sa huling hantungan. Bawa’t isa’y may itinatanging alaala – mga guni-guning magdudulot ng isang ngiti o isang patak ng luha o pag-akyat ng bayag sa lalamunan.
Bigla, kinalabit ako ng buhay. Dinaluyong ako nito kaya’t napalukso akong palabas ng sasakyan habang sa isang sulok ng aking mata, napansin ko ang isang kulay-lilang bulaklak na may mahahabang talulot at dilaw na batik na inililipad pasalungat sa nakaambang unos. Hinabol ko ito bago pa man bumagsak sa lupa na tila isang abay na nakikipag-agawan sa palumpon ng bulaklak na ihinahagis ng babaeng ikinasal. Sa isang igtad, sinalo ko ang bulaklak at ngumiti ang lahat at pumalakpak sila at binati akong, “Aha…ikaw na ang susunod!” at iwinagayway ko ang bulaklak at napapahiyang gumanti ng ngiti at kung ako man ang sumunod o hindi ay hindi na naging mahalaga sa akin noon sapagkat nakatitig ako sa bulaklak at sa kagandahan nito’y nakita kong ipinakikita sa akin ng kakaibang kagandahan ng kamatayan ang kakaibang kagandahan ng buhay at itinatanong ko sa aking sarili kung higit bang mainam na malunod sa mga bulaklak kaysa sa aking mga pagkabalisa.