Wednesday, November 11, 2009

SI 'TATAY' SIMEON



Dear Nong,

Kahapon, habang nakatanghod ako sa iyo at nanonood sa pagkayod mo ng kalawang sa dalawang malalaking gulong ng trak na lubha mong pinagkakaabalahan, hindi ako makapaniwalang naroon akong muli sa dating lugar mo pagkaraan ng mahigit tatlumpung-taon, para muling makipagkuwentuhan at makipagbalitaan sa iyo tulad nang dati.

Disisais lang ako noong mga panahong una akong tumanghod sa iyo. Maraming mga bago sa pakiramdam, maraming maliliit na problemang pinalalaki ng makitid na pananaw, maraming pinapasan kahit na napakaliit pa ng balikat. At sa paningin ko n’on, ikaw nama’y ganap na sa pagiging mamâ, kahit na nadiskubre ko kahapon lang na sampung taon lang pala ang pagitan ng edad natin.

Noon pa man, malaki na ang paghanga ko sa iyo. Parati akong nakasunod sa iyo. Parati akong nakatingin sa Motorpool para tingnan lang kung nandun ka o wala. Gustung-gusto kong magbantay sa tindahan ng sigarilyo ni Tessie, kasi alam ko sumusulpot kang paminsan-minsan. Dahil kaya sa paghahanap ko ng isang mamâ na puwedeng sandigan?

Tama ang pagkakatanda mo sa akin. Sabi mo, palaboy ako sa Luneta. Hindi mo alam kung saan ako nanggaling. Hindi mo alam kung saan talaga ako nakatira. Ang alam mo lang kinukupkop ako ng mga musikero sa barracks nila. Ang alam mo lang tagalaba nila ako ng damit. Ang alam mo lang tagalinis ako ng tirahan nila. Palaboy talaga ako. Stowaway. At ikaw naman daw ang pinakamahusay na mekaniko sa Rizal Park.

Ang dami kong sulat na ginawa para sa iyo. Mga pagpaparamdam. Mga pagtatanong. Mga pagbabakasakali. Kung magugustuhan mo ba ako bilang kaibigan, kapatid, anak(???)o kahit ano pa. Ang hindi ko alam, itinago mo pala ang lahat ng mga sulat kong iyon. Binigyang halaga mo ang bahagi ng kabataan kong hindi pa lubos na nakikilala ang sarili. Hindi mo ginawang pang-katuwaan lang ang mga pagbubukas ko ng mga nilalaman ng dibdib. Binuksan mo ang pagkakataon para masilip ko ang mga nakakubling anino ng mga samu’t-saring katotohanan tungkol sa pagiging disi-siyete at disiotso ko.

Alam mo ba ang pakiramdam ko habang iniisa-isa mong basahin ang mga sulat ko sa iyo kahapon? Para akong bumalik sa pagiging teen-ager. At ikaw naman ang matangkad na basketbolistang hinahabol-habol ko kasabay nang paghabol sa iyo ng napakaraming masusugid na babaeng naghihintay ring mapansin mo. Kahit na ang totoo niyan sa ngayon, malapit na akong mag-singkuwenta at ikaw nama’y may hawak nang senior citizen card. Pinasaya mo naman ako nang sinabi mong naging bahagi rin ng panahong iyon ng buhay mo ang maghintay sa akin at kung may iaabot pa ulit akong sulat o card kaya.

Ang bilis lumipas ng panahon. At ang daming pangyayaring nakabuhol sa paggulong ng oras. Sabi mo, parang walang nangyari sa buhay mo kasi hanggang ngayon bahagi ka pa rin ng Luneta, ng dating Motorpool na maraming mga lockers na nakasandal sa pader, ng mga unti-unti nang nireretiro ng gobyerno sa pagtuntong ng edad sisenta. Sabi mo, mabuti pa ako at mukhang marami nang narating, kahit na higit mong napansin ang mga ugat ko sa kamay at ang pagputi na rin ng buhok ko.

Salamat sa pagpapaunlak mo sa kahilingan ko. Na muling mapasakamay ko ang mga sulat na likha ng musmos kong pag-iisip. Kahit na alam kong talaga namang sa iyo iyon at hindi na sa akin. Salamat sa pagtatago at pag-iingat mo sa isang maiksing kabanata ng kabataan ko. Salamat sa pagbibigay mo ng halaga sa mga bagay na nagdugtong sa atin kahit na sa maikling sandali. Huwag kang mag-aalala. Kung paano mo iningatan ang mga bagay na iyan sa loob ng mahabang panahon, kung paano ka pinangingiti ng mga sulat na iyan tuwing binabasa mo, kung paano mong pinahalagahan ang damdaming nakapaloob dun, ganun din ang gagawin ko.

At pangako, hindi kahapon magtatapos ang pagpunta ka diyan sa Luneta. Dadalaw ulit ko sa iyo. Kahit maputi na ang buhok ko.

Ang iyong ‘Anak’