ISA NA NAMANG NEW YEAR'S EVE
Maya-maya nang konti, putukan. Tanda ng pagluluwal ng panibagong taon. Magsisigawan ang marami. Magbubunyi. Magdiriwang. At kasabay ng lahat ng ingay at liwanag ng lusis, kwitis, rebentador, watusi, super lolo, bawang, torotot, kalembang ng kampana, pukpukan ng kaldero at busina ng mga sasakyan, kakapit ang bawat isa sa bagong pag-asang kakambal na isinisilang ng bagong taon habang inililibing ang nakaraang tatlong daan at animnapu't limang araw.
At sa mga nagbabadyang ingay ng sangkatauhan, sino naman ang hindi magnanais ng katahimikan? Yung tulad ng pananahimik na dumarating kapag pagod na tayo sa pakikipagtalo at pakikipag-usap. Yung pananahimik matapos nating maibulalas ang mga dinadalang kabigatan na ihinahanap ng lunas mula sa isang kaibigan, isang tagapayo o maging sa Dios. Yung pananahimik na talos ang kalapastanganan ng pagbibitiw ng kahit isang salita lamang. Yung pananahimik na naghuhugis pitagan sa paglipas ng sandali.
Si Freddie Aguilar ba ang umaalo sa isang binging, “Mapalad ka, o kaibigan, napakaingay ng mundo?” At sa kabila ng mga kaingayang ito, naroon pa rin ang ating pagnanasang idagdag ang ating tinig sa angaw-angaw na nagpapaligsahang madinig. At dahil marami tayong gustong sabihin, naroong ipaggiitan ang sarili magkaroon lang ng entablado anuman ang ating sampu-samperang opinyon.
Dati-rati, ang hilig kong bumangka. Dala marahil ng kabataan at ng kagustuhang maging sentro ng maraming kuwentuhan. Yung makilalang mahusay ka, magaling, maraming alam. Pumapalakpak ang tenga kapag naitatanghal na bida sa bawat diskusyon. At dahil naniniwala ka na rin sa sariling bida ka nga at isa kang paham, napapawalay ka sa karamihan, itinatangging ikaw ay pangkaraniwan at naiiwan kang mag-isa.
Kaya nga, laking tuwa ko nang unti-unti kong matutunan ang magpakahinahon. Isa sa mga magagandang prinsipyo ng pakikipagtalastasan ay hindi lamang ang pagkakaroon ng paninindigan sa iba’t-ibang aspekto ng buhay na kung sadyang lilimiin ay hindi naman lubhang mahahalaga. Bagkus, mas matimbang ang magkaroon ng katahimikan para magmuni-muni, para makinig, para matuto mula sa higit pang marurunong nang sa gayon ay madagdagan pa ang mga bagay na alam mo na. Pakiwari ko lang sa sarili, lumampas na marahil ako sa puntong ang naririnig ko na lang ay ang sarili kong boses, ang sarili kong halakhak, at ang palakpakan ng ibang tao. Totoo nga yatang habang tumatanda ka, mas nagiging masigasig kang hindi mapansin.
At dahil mas naghahanap ka na ng katahimikan, higit kang maraming nadirinig.
Unti-unti mong natatantong wala kang pinagkaiba sa mga pangkaraniwan, Na ituring mo mang higit kang maalam kaysa sa nakakarami, patas lamang ang mga pinagdaraanan nyo sa buhay, at iisa lang ang kauuwian. At magkaminsan pa nga’y mas hitik sila sa kasiyahan at mas lipos ng kaligayahan — kahit bulag silang umiibig na tulad ng isang ina sa bunsong anak, bulag na umaasa tulad ng isang pangkaraniwang dalagang nangangarap makapagsuot ng kahit pangkaraniwang hiyas man lamang, bulag na nagmamataas at nagmamalaki tulad ng isang amang hindi mapatawad ang isang alibughang anak. Dahil sa mga kabulagang iyon, doon ipinagdiriwang ang bawat pintig at tibok ng puso at ang rubdob ng pagiging buhày.
Unti-unti mong nauunawang, balanse ang lahat. Na saklaw ng lahat ng panahon ang mga pagkakatumbalik at ang pag-inog ng buhay. Na ang kahapon, ngayon at bukas ay pagtatakda lamang ng mga pamantayang naghahati sa mga buo. Na ang totoo ay sakop tayo ng magpasawalang-hanggan. Hindi ba’t ang isang bata ay tatanda rin sa iisang katawan? Hindi ba’t sa bawat katauhan ay mayroong banal at makasalanan? Hindi ba’t dumaraan ang katawan sa pagkakasala upang maunawaan ng kaluluwa ang biyaya ng pagpapatawad? Na ang potensiyal na santo ay nasa katawan rin ng isang makasalanan? Na kakambal na ng kasalanan ang kapatawaran? Kung ang lahat ng bagay ay sa Dios nagmula at ang lahat ng bagay na mula sa Dios ay mabuti, tama bang isiping lahat ng ating mga karanasan ay pawang mabubuti: maging buhay o kamatayan, kasalanan o kabanalan, karunungan o kamangmangan man dahil ito ang pagiging tao? At kung matatanggap ito nang maluwag sa dibdib, ano pa dapat nating alalahanin?
Unti-unti mong naaarok na sa pakikinig, naroon ang pagtitiwalang bahagi ka ng Isa. Na ang mga sariling saloobin at mga hinaing at mga dalamhati ay bahagi rin ng panaghoy ng mga umaasa, ng halakhak ng mga paham, ng pagtangis ng mga nagngingitngit, ng paghihingalo ng mga namamatay. Lahat sila’y nakalingkis, nakatali, nakayapos, nakakawing, nakapulupot, nakasalabid sa isang-libo’t isang pagkakabuhol. At lahat ng mga tinig at ingay at pangarap at pag-asa at pighati at lumbay at kaluguran at kagalakan at kabutihan at kasamaan ng bawa’t isang nilalang ang siyang bumubuo sa sangkatauhan at sa sangkamunduhan.
Samantala, habang mataman kang nakikinig sa kakoponya ng sala-salabat na tinig, ramdam mo, tanggap mo, alam mong bahagi ka ng agos at ng lumulutang na musika ng buhay, bago man o luma ang taon.