Para sa bunso kong si Ralph,Disiotso ka na, anak. Ganap na ang pagka-binata mo. Pagtuntong mo ng 18, maraming mga privileges ang nakakabit diyan. Puwede ka nang bumoto. Puwede ka nang magka-lisensiya. Puwede ka nang mag-biyahe sa loob at labas ng bansa na hindi na kailangan ang permiso ng magulang. Puwede ka nang manood ng mga X-rated films sa sine! At marami pang puwede mo nang gawin na sakop ng mga karapatan mo ayon sa batas.
Kaya lang, anak, ang mga pribilehiyo ay may kakabit na responsibilidad. Binibigyan tayo ng malawak na kalayaan pero hindi nangangahulugan na puwede na nating gawin ang lahat ng gusto nating gawin. Halimbawa, puwede kang bumoto – pero hindi ibig sabihin na puwede mong ipagbili ang boto mo. Puwede kang magka-lisensiya, pero hindi ibig sabihin na puwede ka nang mang-agaw ng kotse ng iba. Puwede ka nang magbiyahe kahit saan, pero hindi ibig sabihin na hindi ka na magpapaalam sa magulang mo lalo na kung sila pa rin ang tumutustos sa iyo. Puwede ka nang manood ng bold at violent films – pero hindi ibig sabihin na puwede mo nang gayahin ang lahat ng napapanood mo.
Kaya nga siguro, ipinagdiriwang ang pagtuntong sa edad 18. Kasi, isang paghakbang ito bilang paghahanda sa totoong buhay. Sa buhay na hindi nakakulong sa classrooms at lectures, sa quizzes at exams, sa recitations at research. Sa buhay na ikaw mismo ang gagawa ng mga patakaran at ng mga batas na angkop sa kung ano ang sa palagay mo’y babagay sa buhay mo na hindinaman makasasagabal sa buhay ng iba.
Ganyan ang sukatan ng pagiging ganap na tao. Ng pagiging mature. Sa simula, sa panahon ng iyong adolescence, pinagtutulungan ng tahanan at ng paaralan ang paghubog sa iyo – sa isip, sa salita, sa gawa – para pagtuntong mo ng edad na ikaw na ang hahawak sa buhay mo, mas magiging magaan at mas magiging matalino ka sa paggawa mo ng mga pansariling desisyon. Kapag medyo handa ka na, saka ka nila iniaambag sa lipunan.
Itinuturo sa iyo sa bahay ang pagmamahal, ang pagiging bahagi ng isang unit, ang pagsasalu-salo, ang pag-aambag, ang mga katangiang pamana ng angkan ng tatay at nanay mo, ang pagiging anak at kapatid. Sa loob ng tahanan, nakasisiguro ka ng buong-pusong pagtanggap na hindi sinusukat sa iyong mga katangian at kapintasan. Walang kuwalipikasyon. Basta ikaw ay ikaw. Piryud.
Malaki rin ang bahagi ng eskuwelahan. Tinuturuan ka nito ng English at Filipino o Kastila, Pranses at Mandarin kaya kasi mahalagang marunong kang makipagtalastasan sa mga taong kapantay, higit na mataas o higit na mababa sa iyo. Ang buhay ay puno ng pakikipag-usap. Hindi lang mahalaga na mayroon kang sasabihin. Mahalaga rin kung paano mo ito ipararating at ipauunawa sa iba. Huwag mong isiping ang pag-aaral ng Lengguwahe ay madali lang kaya hindi dapat pagtuunan ng masyadong atensiyon. Maraming tao ang napakayaman ng diwa subalit napakaiksi ng dila kaya hindi sila gaanong naririnig.
Mahalaga ang pag-aaral ng mga Bilang at Hugis – Algebra, Trigonometry, Geometry, Statistics – sapagkat ang buhay ay punung-puno ng mga pormula at kompigurasyon. Mauunawaan mo iyan kapag tumatanggap ka na ng suweldo at alam mo kung ano ang ibinabawas at idinadagdag sa iyo. Kapag bumibili ka na ng mga lote at nagpapatayo ng bahay dahil bawat sulok ay may sukat. Kapag humihingi ka na ng mga diskuwento sa mga wholesale at retail na maaari mong pagkaabalahan kung magnenegosyo ka. Kapag nagtatanong ka na ng mga interest sa bangkong paglalagakan mo ng mga kinikita mo.
Marapat na matutunan ang History dahil ang buhay ay hindi nakasalalay sa kasalukuyan o sa hinaharap lamang. Mahalagang may tinatanaw kang nakaraan. Tulad ng sarili mong buhay. Kapag may sarili ka nang pamilya, masarap ikuwento sa kanila ang sarili mong kabataan at ang mga pinagdaanan mong karanasan. Ganyan din ang pagpapahalaga sa kasaysayan ng bayan. Importanteng alam ng bawat mamamayan ang bawat panahon ng pagkabansa nito sapagkat mahirap pagmalasakitan ang isang bayang hindi mo nakilala. Lipos ng napakaraming kabayanihan at tigmak sa dugong ibinuwis ang bawat titik ng kasaysayan ng Pilipinas. Huwag kang padadala sa pagsasabong na ginagawa nila sa kung sino ang higit at karapat-dapat maging bayani. Bawat isa sa kanila ay may bahagi sa paghubog ng ating kasaysayan.
Tatalakayin mo rin ang tungkol sa Saligang Batas at huwag mo itong ipagwawalang-bahala. Hanggat hindi mo nasusuri ang mga karapatan at tungkulin mo bilang tao at mamamayan, hanggat hindi mo nababatid kung ano ang mga obligasyon sa iyo ng pamahalaan, hanggat hindi mo natutukoy ang wasto o ang mali sa pamamalakad ng mga namumuno, magiging maliit ang bahagi mo bilang miyembro ng pamayanan.
At bakit mahalaga ang Siyensiya? Sapagkat hahamunin nito ang mga paniniwala mo. Nilalang ba tayo at ang lahat ng nasa paligid natin ng Diyos o ang buong nilikha ba ay galing lang sa isang Putok at ang tao ay galing sa unggoy? Ipakikita sa iyo, halimbawa ng Biology, ang mga makasining na katangian ng Diyos sa bawat hugis, kulay, salat, at wangis ng bawat hayop at halamang gumagapang, lumalangoy, naglalakad at nangungunyapit sa daigdig. At ang magiging bunga nito ay ang hindi mo makakaligtaang humanga at magpuri sa Lumikha!
Tatangkain mong pag-aralan ang Diyos sa Teolohiya. Isa itong pagtatangka sapagkat walang sinumang taong nabuhay sa nakaraan, nabubuhay sa kasalukuyan at mabubuhay sa hinaharap ang lubos na makatatanto o makauunawa sa pagka-Diyos ng Diyos. Hindi natin malilirip ang lalim, lawak, taas, igting at puso ng Makapangyarihan sapagkat mananatiling naroon sa kataas-taasan ang kanyang pagka-Diyos. Titingalain natin subalit ni hindi maaabot ng ating paningin. Sasaliksikin natin ngunit hindi natin maikukulong sa kahon ng mga pahina ng Biblia o mga tradisyon sapagkat sakop niya ang lahat. Ang ituturo ng Teolohiya sa atin ay ang Kanyang kahigtan at ang ating kawalan at sa dakong huli, luluhod tayo sa Kanyang harapan at magpapasalamat dahil sa paglingap niya sa atin sa kabila ng ating kaliitan.
Pag-aaralan mo rin ang Sining. Ang Humanities. Ang Literature. Ihahanda ang iyong pandama sa paghanga sa mga bagay na likha ng tao. Ano sa palagay mo ang dahilan? Itatangi nito ang pagdiriwang ng katalinuhan at kakayahang ipinamana ng Diyos sa tao. Darating ang panahon sa hinaharap na makakasalamuha mo ang mga taong hindi lamang trapik, politika, o init ng panahon ang ikukuwento sa iyo. Maaaring magbukas sila ng mga paksa tungkol sa mga guho ng Gresya o ng dating-luwalhati ng Roma o ng kayamanan ng Renaissance o ng lawak ng emperyo ng Inglatera. Hindi maaaring ignorante ka sa al fresco o bas relief o still-life at abstrak, sa kaibahan ng sine at teatro, at sa mga pandaigdigang pagkakaisa ng diwa ng mga makata, mang-aawit at manunulat. Ng pagkakatulad o pagkakaiba ng mga tula ni William Shakespeare o nina Simon, Garfunkel at Paul McArtney. Ng mga pastel ni Monet at ng igting ng kulay ni Amorsolo. Ng mga dibuho ni Da Vinci at ng eskulptura ni Michaelangelo. Ng mga teklado ni Chopin o ng kuwerdas ni Eric Clapton.
At sa kurso mong Information Technology – kailangan pa bang isa-isahin ko ang pakikipaghabulan ng tao sa oras sa pamamagitan ng paglikha ng mga instrumentong nagpapabilis ng ating panahon at nagpapaliit ng ating mundo? At sa lahat ng pakikipaghabulan, hindi magandang kulelat kang lagi at hindi makaagapay sa bilis ng pag-usbong ng napakaraming yamang iniluluwal ng modernisasyon at globalisasyon.
Dalawang taon na lang at magsisimula ka na – hindi ka magtatapos – sa pakikibaka sa mundong ginagalawan ng mga Malalaking Tao. Silang mga nakikipaghabulan sa oras dahil tinatanggal sila sa trabaho kung parati silang huli sa pagpasok. Silang mga nakikipagtunggali sa kanilang career dahil doon nakasalalay, hindi ang grades nila kundi ang mga promosyon at demosyon. Silang mga nagtitipid at nagba-budget maging ng mga pamasahe at pang-miryenda dahil hindi basta-basta ang tinutustusang bayarin sa kuryente, tubig, at telepono. Silang mga nagnanais pang bumuo ng mga bagong pangarap pero kapos sa panahon at limitado ang kakayahang lumipad.
Siguro naman, alam mo na ang tinutumbok ng sulat na ito, anak.
Sa pagdiriwang mo ng iyong ika-18 kaarawan, gusto kong ipaalala sa iyo ang kahalagahan ng pag-aaral nang mabuti. Sungkitin mo ang bawat kaalaman na maaari mong masungkit. Huwag mong hayaang lumipas ang panahon na may bungang mahihinog, malalaglag at mabubulok dahil lamang hindi ka lubos na nagbigay-halaga.
Sikapin mong maging disiplinado sa pagpasok sa klase. Iwasan mo ang pagsasayang ng oras sa mga walang-kabuluhang paglalakwatsa. Hindi masamang ikaw ay naglilibang. Lamang, dapat itong nasa wastong lugar at panahon.
Pahalagahan mo ang pagsisikap ng mga magulang mo dahil ginto ang oras ng pagpagagal nilang kapalit din ay ginto – na siyang ipinantutustos sa pag-aaral mo. Kung nakukulitan ka sa paulit-ulit na paalala, huwag mong masamain ito dahil ang kabutihan mo lang ang batas ng puso nila.
Igalang mo ang mga guro mo, dahil sa kabila ng mga ipinakikita nilang paghihigpit at pagdidisiplina, ang hangad ng mga iyan ay maipasa sa iyo ang kanilang mga kaalaman at karanasan. Patamisin mo ang kanilang pang-araw-araw na pakikitungo sa iyo at sa marami mo pang kamag-aral sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa kanilang oras. Suklian mo ng pagiging handa sa klase ang kanilang paghahanda bago pa man tumuntong sa iyong klase. Maraming magigiting na tao ang ginabayan ng mga gurong pantas at busilak ang kalooban. Pitasin mo ang bawat butil ng karunungang itatanim nila sa isip mo, at lampasan mo ng tingin ang kanilang mga kakulangan. Tandaan mong ang totoong mundo ay ginagawalan ng mga imperpekto ngunit totoong tao – tulad mo at tulad ko rin.
Matuto kang pumili ng kakaibiganin. Hindi kailangang marami sila. Sapat nang magkaroon ng iilan na maituturing mo namang kayamanan sa pagdaan ng panahon. Piliin mo iyong magdaragdag liwanag sa paglalakbay mo, iyong marunong makinig at hindi laging naghahangad na siya ang pakinggan, iyong hindi sobrang wasto pero hindi naman sobrang mali, iyong makakaramay mo sa panahon ng tagsagana at tagsalat, iyong ipagtatanggol ka kapag may sumisira sa pagkatao mo, pero hindi ka naman pagtatakpan sa mga pagkakamali mo.
Samantalahin mo ang iyong kabataan at ang lahat ng mga kaugnay na ligaya ng pagiging bata at hangal. Huwag kang matakot na magkamali. Ang Buhay ang magtutuwid niyan kung mayroon kang aral na mahahango sa bawat pagkakamali. Huwag ka ring matakot mahirapan. Hindi mo lubos na mabibigyang halaga ang sarap kung walang hirap. Huwag kang susuko sa mga pagsubok. Ang bawat pagkakadapa mo ang magpapatibay sa iyo.
Higit sa lahat, kumapit ka sa Diyos. Mahalin mo Siya nang higit sa lahat. Mawawala ang maraming bagay – ang mga institusyon, ang mga taong nagmamahal sa iyo at minamahal mo, ang mga bagay na itinatangi mo, ang mga pangarap at mga ambisyon, at marami pang iba – ngunit ang Diyos ay mananatiling Diyos. Walang maaaring magmahal sa iyo nang higit sa pagmamahal Niya.
Maligayang kaarawan!
Nagmamahal,
Tatay
6 May 2007